Thursday, August 20, 2009

May araw din kayo! By Conrado de Quiros

Tatagalugin ko na nang makuha n’yo. Kahit na lingwaheng kanto lang ang alam kong Tagalog.

Tutal Buwan ng Wika naman ang Agosto. Baka sakali ’yung paboritong wika ni Balagtas ay makatulong sa pag-unawa n’yo dahil mukhang ’yung paboritong wika ni Shakespeare ay lampas sa IQ n’yo. Kung sa bagay, ang pinakamahirap gisingin ay ’yung nagtutulug-tulugan. Ang pinakamahirap padinggin ay ’yung nagbibingi-bingihan . Ang pinakamahirap paintindihin ay ’yung nagmamaangmaangan. Bueno, mahirap din paintindihin ’yung likas na tanga. Pero bahala na.Sabi mo, Cerge Remonde, alangan naman pakanin ng hotdog ang amo mo.

Bakit alangan? Hindi naman vegetarian ’yon. At public service nga ’yon, makakatulong dagdagan ng cholesterol at salitre ang dugong dumadaloy papuntang puso n’ya. Kung meron man s’yang dugo, kung meron man s’yang puso.Bakit alangan? Malamang di ka nagbabasa ng balita, o di lang talaga nagbabasa, kung hindi ay nalaman mo ’yung ginawa ni Barack Obama at Joe Biden nitong nakaraang Mayo. Galing silang White House patungong Virginia nang magtakam sila pareho ng hamburger. Pina detour nila ang motorcade at tumuloy sa unang hamburgerang nakita nila. Ito ang Ray’s Hell Burger, isang maliit at independienteng hamburger joint.Tumungo ang dalawa sa counter at sila mismo ang nag-order, hindi mga aides. Nagbayad sila ng cash na galing sa sariling bulsa at kagaya ng ibang customers ay pumila para sa turno nila.Ito ay presidente at bise presidente ng pinakamakapangyarih ang bansa sa buong mundo. Kung sa bagay, ’yung amo n’yo ay hindi naman talaga presidente. Di lang makita ang pagkakaiba ni Garci kay God kaya nasabing “God put me here.” Pekeng presidente, pekeng asal presidente.

Sabi mo, Anthony Golez, maliit lang ang P1 million dinner kumpara sa bilyon-bilyong pisong dinala ng amo mo sa bansa.Ay kayo lang naman ang nagsasabing may inambag ang amo n’yo na bilyong-bilyong piso sa kaban ng bayan. Ni anino noon wala kaming nakita. Ang nakita lang namin ay yung bilyon-bilyong piso—o borjer, ayon nga sa inyong dating kakosa na si Benjamin Abalos—na inaswang ng amo n’yo sa kaban ng bayan. Executive privilege daw ang hindi n’ya sagutin ito. Kailan pa naging pribilehiyo ng isang opisyal ang di managot sa taumbayan? Kailan pa naging pribilehiyo ng isang opisyal ang magnakaw?

Maliit lang pala ang P1 million, ay bakit hindi n’yo na lang ibigay sa nagugutom? O doon sa mga sundalo sa Mindanao? Tama si Archbishop Oscar Cruz. Isipin n’yo kung gaano karaming botas man lang ang mabibili ng P1 million at karagdagang P750,000 na nilamon ng amo n’yo at mga taga bitbit ng kanyang maleta sa isa pang restawran sa New York.Maliit lang pala ang P1 million (at P750,000), bakit hindi n’yo na lang ibigay doon sa pamilya ng mga sundalong namatay sa Mindanao? Magkano ’yung gusto n’yong ibigay sa bawat isa? P20,000? Sa halagang iyan 50 sundalo na ang maaabuluyan n’yo sa $20,000. Pasalu-saludo pa ’yang amo n’yo sa mga namatay na kala mo ay talagang may malasakit. Bumenta na ’yang dramang ’yan. At pasabi-sabi pa ng “Annihilate the Abus!” Di ba noon pa n’ya ’yan pinangako? Mahilig lang talagang mangako ’yang amo n’yo.

Bukod pa d’yan, saan ba nanggaling ’yung limpak-limpak na salapi ng mga kongresista na pinansisindi nila ng tabako? Di ba sa amin din? Tanong n’yo muna kung ayos lang na i-blowout namin ng wine at caviar ang amo n’yo habang kami ay nagdidildil ng asin—’yung magaspang na klase ha, ’di yung iodized. Ang tindi n’yo, mga p’re.

At ikaw naman, Romulo Macalintal, tapang ng apog mo. Maiisip mo tuloy na sundin na lang ang mungkahi ni Dick the Butcher sa “Henry VI” ni Shakespeare: “First thing we do, let’s kill all the lawyers.” Pa ethics-ethics ka pa, pasalamat ka di nasunog ang bibig mo sa pagbigkas ng katagang ’yon.

No comments: